Mahirap tanggapin para sa iba ang konsepto ng “trinidad” hinggil sa Diyos. Oo nga naman, paanong ang tatlo ay isa at hindi tatlo? Madalas, kapag naririnig natin ang salitang “Diyos,” tila ang palagay ng marami ay tumutukoy sa “Diyos Ama” lamang. Subalit ang salitang “Diyos” ay maaring iukol at gamitin rin sa bawat persona ng Diyos. Bilang paglalarawan, maaari mong isipin ang isang bilog na kumakatawan sa “Diyos.” Sa loob ng bilog na ito ay mayroong tatlong umiiral: (1) Ama, (2) Anak, at (3) Banal na Espiritu. Kaya nga, may iisa lamang na Diyos subalit Siya’y binubuo ng tatlong magkakaibang persona, at ang bawat persona ay Diyos. Ngayon, para sa iba, higit na madaling tanggapin na ang Diyos Ama ay Diyos at ang Diyos Anak ay Diyos, subalit tungkol sa pagkaDiyos ng Banal na Espiritu, sila’y alangan. Gayunma’y dapat nating maunawaan na ang Biblia ay nagtuturo na ang Banal na Espiritu ay Diyos. Hinggil rito’y maari tayong matulungan ng pagpapakahulugan ni C.C. Crawford tungkol sa pagka-trinidad ng Diyos. Ganito ang kanyang sinabi, “Ang Diyos ay Pagkakaisa ng tatlong Persona – Ama, Anak, at Espiritu Santo. Ang Diyos ay iisa sa kalikasan ngunit ang kalikasang ito ay kinapapalooban ng tatlong persona. Ang Banal na Espiritu ay ang ikatlong persona ng Diyos.”[1]
May nag-iisa lamang na malinaw na pahayag at talata sa Biblia na tumatawag sa Banal na Espiritu bilang Diyos. Noong si Ananias ay nagsinungaling tungkol sa halaga ng pera na kanyang ibinigay, sinabi sa kanya ni Pedro, “Ananias, bakit nagpadaig ka kay Satanas at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo at itinago ang bahagi ng pinagbilhan ng lupa? Hindi ka nagsinungaling sa mga tao, kundi sa Diyos” (Gawa 5:3-4, Ang Biblia, 2001). Pansinin mo, nang si Ananias ay nagsinungaling sa Banal na Espiritu, siya’y sinabing nagsinungaling sa Diyos.
Katangian ng Diyos
Ang Diyos ay may mga katangian na hindi taglay ng tao. Halimbawa, ang Diyos ay: (1) Walang Hanggan, (2) Omnipresente (sumasalahat ng lugar), (3) Omnisiyente (nakakaalam ng lahat), (4) Omnipotente (makapangyarihan sa lahat). Ang lahat ng katangiang ito ay taglay ng Banal na Espiritu. Halimbawa, ang may-akda ng Hebreo ay gumamit ng katagang “walang hanggang Espiritu” (Hebreo 9:14).
Ipinahayagdin ng psalmista tungkol sa sumasalahat na presensya ng Banal na Espiritu. Wika niya, “Saan ako pupunta mula sa iyong Espiritu? O saan ako tatakas mula sa harapan mo?”(Awit 139:7). Ipinahayag rin si Pablo ang tungkol sa sumasalahat na kaalaman ng Banal na Espiritu. Wika niya, “Ngunit ang mga ito ay ipinahayag sa amin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu; sapagkat sinisiyasat ng Espiritu ang lahat ng mga bagay, maging ang malalalim na mga bagay ng Diyos. Sapagkat sinong tao ang nakakaalam ng isipan ng isang tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Kaya’t walang nakakaalam ng mga isipan ng Diyos, maliban sa Espiritu ng Diyos” (1 Corinto 2:10-11).
Ipinahayag din ni Pablo ang tungkol sa pagkamakapangyarihan sa lahat ng Espiritu. Sinabi niya, “Ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng mapang-akit na mga salita ng karunungan, kundi sa pagpapamalas ng Espiritu at ng kapangyarihan, upang ang inyong pananampalataya ay huwag maging batay sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos” (1 Corinto 2:4-5). Pansinin mo sa konteksto ng talata na salitan at magkatumbas niyang ginamit ang mga salitang “Espiritu” at “Diyos.” Sa madaling salita, ang Espiritu—Diyos ang Siyang pinagmulan ng kapangyarihan ni Pablo sa ministeryo. Makikita rin natin ang katotohanang ito sa Lukas 1:35 nang ipaliwanag ni anghel Gabriel kung paano magdadalang-tao si Maria. Ang sabi niya, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at liliman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t ang batang banal ay tatawaging Anak ng Diyos.” Minsan pa, salitan at magkatumbas na ginamit sa talatang ito ang “Espiritu” at “Diyos.”
Iisang Sambit sa Tatlong Persona ng Diyos
Sapagkat ang tatlong persona ang bumubuo sa iisang Diyos, silang lahat ay madalas na sambiting sama-sama o nagkakaisa. Ito ay patotoo sa kanilang pagkakapantay-pantay. Halimbawa, sa Dakilang Komisyon sa aklat ni Mateo, mababasa natin na sinabi ni Jesus, “Kaya’t sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, Anak, at ng Espiritu Santo” (Mateo 28:19). Isipin mo ito: hindi tama at hindi tugma na sabihin na ang isang tao ay babautismuhan sa ngalan ng Ama, Anak, at ng ibang tao. Ang “tao” ay hindi kapantay ng Ama at Anak. Kaya nga, sa talatang ito, ipinakita ni Jesus na ang Espiritu ay pantay sa ngalan ng Ama at Anak. Isa pa, kapansin-pansin na ang salitang ginamit ay “pangalan,” isang payak na salita bagamat tatlo ang binabanggit. Gayunma’y, salitang ‘pangalan’ ang ginamit sapagkat mayroong pagkakaisa sa kalikasan ng Diyos. Ibig sabihin, ang Diyos ay may isang kalikasan na kinapapalooban ng tatlong magkakaibang persona.
May isa pang talata ang nagpapatotoo sa pagkakaisa ng tatlo. Ito’y matatagpuan sa huling bahagi ng ikalawang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto. Wika niya, “Ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, ang pagibig ng Diyos, at ang pakikisama ng Espiritu Santo ay sumainyo nawang lahat” (2 Corinto 13:14).
Konklusyon
Bagamat mayroon lamang iisang Diyos, Siya ay binubuo ng tatlong magkakaibang persona. Bawat isa ay “Diyos.” Bawat isa ay may natatanging gawain at hatid na pagliligtas sa sangkatauhan.
[1]. Cited by Roy H. Lanier, Sr. in The Timeless Trinity for the Ceaseless Centuries (Denver, CO: Lanier Books, 1974), 335.