top of page

Bakit Napakaraming mga Simbahan ng Kristiyano?

Ang simpleng sagot dito ay dahil sa may iba’t ibang kagustuhan at nakagisnang tradisyon ang mga tao, maging silang nagsasabi na sila’y Kristiyano. Gusto ng tao ang kalayaan ng pagpapahayag, at ganyan din sa loob ng Kristiyanismo. Karaniwang batayan ng pagpili ng mga tao sa isang simbahan ay umaayon sa kanyang gusto, sariling paniniwala, relasyon sa pamilya, kaaliwan, o minsa’y yung madali lang para sa kanila. Hanggang ang tao ay may kalayaang pumili ng kanyang simbahan na ayon sa kanyang sariling kagustuhan at dahilan, lagi ring magkakaroon ng magkaka-ibang simbahan na nagtuturo ng iba’t ibang mga bagay. Sa kabilang banda, ang kalayaan ng pagpapahayag ay mabuti. Subalit dulot nito’y maraming simbahan ang gumagawa ng mga bagay na ayon sa gusto ng tao, habang dala-dala nila ang pangalan ng Diyos o ni Cristo, ngunit hindi nagbibigay parangal sa pangalan ng Diyos. Madali itong nakikita ng mga taong mapagmasid sa lipunan. At silang mga nagdududa sa awtoridad ni Hesus ay tiyak na nag-iisip, “Sino ba talaga ang mga tinawag ng Diyos?”


Maaari tayong magsimulang malinawan sa kalituhan na ito sa pamamagitan ng tamang pagtukoy sa ating mga termino. Ang salitang “simbahan” ay may malawak na paggamit sa ating panahon. Maaari itong tumukoy sa “denominasyon”, “kongregasyon”, at “lugar sambahan”. Gayun pa man, noong naisulat ang Biblia, iba ang kahulugan ng “simbahan o iglesia”. Ito ay mula sa salitang Griego na “ekklesia”, na ang literal na kahulugan ay “pagtitipon ng mga tao”. Sa sinaunang kahulugan sa Griego, ang salitang ito ay nangangahulugan ng “tinatawag sa tungo sa paglilingkod” tulad ng sa kinatawan ng pamahalaan.[1] Dagdag pa rito, kapag ginamit sa Biblia ang salitang ito, malinaw nitong tinutukoy ang isang partikular na grupo ng mga tao – sila na mga tinawag ng Diyos, ang mga Kristiyano. Sa madaling salita, ang iglesia ay ang mga Kristiyano. Minsan, ginagamit ang salita sa pang-isahan – sa isang Kristiyano. Ngunit minsan ay sa pang-maramihan– sa iba’t ibang kongregasyon na nasa iba’t ibang lungsod. Gayun pa man, hindi ito ginamit sa paraan ng paggamit natin ngayon, gaya ng sa maraming denominasyon na nasa isang lungsod na gumagawa ng iba’t ibang mga bagay. Ang ating kasalukuyang kahulugan ay maituturing na maling pananampalataya sa pananaw ng sinaunang Iglesia! Ang iglesia noon ay walang iba kundi ang mga Kristiyano na namumuhay ayon sa turo ni Cristo at ng mga Apostol.


Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng mga sekta ang Kristiyanismo. Halimbawa, iniwan ng Simbahang Katoliko ang kanyang panata sa mga kasulatan ng Biblia, at sa halip ay inilagay ang awtoridad tungkol sa pananampalataya sa kamay ng Santo Papa. Subalit, sinalungat sila ng mga reformista at tinuligsa ang kanilang pagtalikod sa katuruan ng Biblia. Binuhay muli ng mga reformista ang awtoridad ng Biblia hinggil sa pananampalataya at pamumuhay. Gayun pa man, marami ring mga nabuong sekta na naging deboto sa katuruan ng kanilang paboritong reformista. Ang pagkakahati-hating ito ay nagbunga ng mga pangunahing grupo ng denominasyon sa ating panahon (gaya ng Lutheran, Presbyterian, at iba pa). Ang pagkakabaha-bahaging ito ay mas higit na naging halata sa nakalipas na 100 taon; sa panahong tinanggap ng mga taga Kanlurang bahagi ng mundo ang pilosopiya ng eksistensyalismo; na iyon ay ang paniniwalang ang katotohanan ay nakabatay sa personal karanasan ng isang tao. Sa madaling salita, bawat tao ay may sariling interpretasyon sa kung ano ang tama at mali ayon sa kanilang sariling karanasan at kagustuhan. Siyempre, ito ay naghatid ng konklusyon na hindi lamang dapat iisa ang tunay na iglesia ng Biblia. Bunga nito, patuloy na dumami ang bilang ng mga relihiyosong grupo na nagsasabing sila ay Kristiyano. Kaya nga, ang simpleng dahilan pa rin ay ang pagtalikod ng mga tao mula sa pundamento at malinaw na awtoridad na matatagpuan sa Biblia sa pamamagitan ni Jesu-Cristo at ng katuruan ng Kanyang mga Apostol. Sa kasalukuyang panahon, ang naging gabay ng tao ay ang sinasabi ng kanyang puso.

Subalit sinasabi sa Kawikaan 16:25 “Mayroong daan na tila matuwid sa isang tao, ngunit mga daang tungo sa kamatayan ang dulo nito.” Ayon sa talata, ang ating paraan ay maaaring mali. Kailangan nating tumingin sa mas mataas na awtoridad. At yun nga, si Jesu-Cristo lamang ang tanging makapagtatakda ng mga hangganan at pamumuhay ng Kanyang Iglesia. Sa Mateo 16:18, sinabi Niya, “At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magwawagi laban sa kanya.” Pang-isahan o singular ang salitang ginamit rito para sa Iglesia. Ibig sabihin, isang iglesia lamang ang itinatag ni Hesus. Sinasabi rin sa Colosas 1:18 na si Hesus ang Ulo ng Iglesia. Minsan pa, singural ang salitang Iglesia rito. Si Hesus ang lamang ang maghahari sa Kanyang nag-iisang Iglesia. Sa Efeso 4:5, sinasabi sa atin na mayroon lamang isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo. Hindi ginamit ang salitang simbahan o iglesia rito, gayun pa man, ang salitang ‘pananampalataya’ rito ay tumutukoy sa sistema o kalipunan ng katuruan na taglay ng sinaunang iglesia na mula sa turo ni Hesus at ng Kanyang mga Apostol. Sa madaling salita, mayroon lamang iisang Panginoon at iisang sistema ng katuruan. Dagdag pa rito, pansinin din ang sinabi ni Hesus sa babaeng Samaritana na bagamat sumasamba sa Diyos, ngunit di sa paraang sinabi ng Diyos. Wika Niya, “Ang Diyos ay Espiritu, at ang mga sumasamba sa Kanya ay kailangang sumamba sa Espiritu at Katotohanan.” (Juan 4:24) Maliwanag na sinabi ni Jesus na ang ating pagsamba ay dapat na naaayon sa katotohanan. Ngunit ang pagsambang ginagawa ng Samaritana ay ayon sa nakaugaliang pagsamba na natutuhan niya sa kanilang mga tradisyon. Ang “totoong pagsamba,” ayon kay Hesus, ay salungat sa modernong pananaw ng “pagsamba ayon sa kinagawian at kinabibilangan”.


Kaya nga, maaari nating sabihin na hindi lahat ng tao na nagsasabing siya ay Kristiyano ay kabahagi sa isang tunay na Iglesia ni Cristo. Hindi lahat sa kanila ay tanggap ni Cristo. Sinasabi sa Mateo 7:20-21, “Kaya't makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga.

“Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” Sa madaling salita, ang diwa ng ating pananampalataya at pamumuhay ay siyang magpapatotoo kung tayo nga ba ay nasa tamang simbahan. Ang simbahang gawa lang ng tao ay walang kakayahan na sukatin at suriin ang tunay na pananampalataya at wastong pamumuhay.


Kung gayon, paano natin malalaman ang tamang pananampalataya at wastong pamumuhay na maghahatid sa atin sa tamang iglesia? Ang sagot riyan ay matatagpuan sa katuruan ni Hesu-Cristo at ng mga Apostol na nasusulat sa Biblia. Sinabi ni Hesus sa Mateo 28:18-19, “Lumapit si Hesus at sinabi sa kanila, “Ang lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay na sa akin. Kaya sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.” Sinabi rin ni Hesus sa mga Apostol sa Gawa 1:8, “Ngunit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo; at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” Ang mga Apostol ay mga kinatawan ni Hesus na tumanggap ng kapangyarihan ng pamamahayag mula sa Banal na Espiritu; na sa pamamagitan nila’y maipapangaral ang katotohanan sa Sinaunang Iglesia. Sa Efeso 2:19-20, ang iglesia (o ang sambahayan ng Diyos) ay sinasabing “na itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Hesus ang batong panulok. Sinasabi rin sa 2 Pedro 1:20-21, “Una sa lahat, dapat ninyong malaman ito, na walang propesiya ng Kasulatan na nagmula sa pansariling pagpapakahulugan, sapagkat walang propesiya na dumating kailanman sa pamamagitan ng kalooban ng tao kundi ang mga taong inudyukan ng Espiritu Santo ay nagsalita mula sa Diyos.” Kaya maliwanag na inihahayag ng Biblia ang pagkakaugnay-ugnay ng awtoridad at katuruan – si Hesus at ang Banal na Espiritu, ang mga Apostol at ang mga propeta na sumulat ng Bagong Tipan. At dahil hindi na nangungusap ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng mga propeta (1 Corinto 13:8-10), kung nais natin na matagpuan ang tamang iglesia, dapat natin itong kilatisin ayon sa pahayag ng Biblia. Anumang mga bagay na idagdag ng tao ay hindi tama at magdudulot ng pagkakabaha-bahagi.


Isa sa mga huling panalangin ni Jesus bago siya ipinako sa krus ay ang magkaisa sa katotohanan ang Kanyang mga tagasunod. (Juan 17-17-21).Naging panalangin Niya ito sapagkat alam Niya na mas maraming tao ang tatanggap sa Kanya kung ang Kanyang mga tagasunod ay nagkakaisa sa katotohanan. Subalit sa kasalukuyan, hindi natin napaparangalan ang Diyos ng dahil sa ating pagsunod sa mga sariling tradisyon at kagustuhan sa pagsamba at organisasyon na pumuputol ng pagkakaisa. Subalit ang tanging paraan upang tayo ay magkaisa ay sa pamamagitan ng pagsunod sa Kasulatan bilang ating gabay sa kung ano ang dapat na maging kalagayan ng Iglesia. Ang Iglesia na sinasaad sa Biblia ang siyang pinakamagandang iglesia na dapat makita sa panahon natin ngayon.


Alin ang nais mong sundin – mga tradisyon at mga kagustuhan ng tao – o ang nag-iisang pinagmumulan ng katotohanan, ang Biblia? Kung nais mo ng tulong upang makahanap ng tamang iglesia na nagtuturo ng Biblia at katuruan lamang ng Biblia, ikagagalak naming matulungan ka. Umaasa kami na hihingi ka ng direksyon sa Panginoon sapagkat sinabi Niya na ang mga taong tunay na naghahanap sa Kanya ay masusumpungan ang katotohanan (Mateo 7:7-11; 1 Timoteo 2:4). Gayun pa man, kailangan mo ring magsumikap sa paghahanap. Maaari kang makipag-ugnayan sa amin sa Facebook o Instagram. Ikagagalak naming tulungan ka na matagpuan ang tunay na iglesia ni Cristo na malapit sa iyong lugar.

[1]. Moisés Silva, “ἐκκλησία,” NIDNTT, Grand Rapids: Zondervan, 2014.

32 view

Mga Nauugnay na Post

bottom of page