Nasaan ang Kaharian ng Diyos? Sa episode na ito ng Relentlessly Knocking podcast, tatalakayin natin ang kahulugan sa likod ng panalanging huwaran ni Jesus na dumating ang kaharian ng Diyos. Mula sa kasaysayan hanggang sa kasalukuyang panahon, tuklasin natin ang tatlong kapana-panabik na paliwanag na magpapalapit ng sinaunang panalanging ito sa iyong buhay ngayon. Dumating na ba ang kaharian ng Diyos? May darating pa bang mas dakilang kapahayagan sa hinaharap? O kaya, nabubuhay na ba tayo ngayon sa ilalim ng Kanyang paghahari? Makinig ka at alamin kung paano ang kaharian ng Diyos ay hindi isang panaginip o kathang-isip, kundi mas malapit sa iyong buhay kaysa sa inaakala mo.
Ναsaan ang Kaharian ng Diyos?
Mahilig ka ba sa mga kuwento ng maharlikang kaharian at mga kuwento noong unang panahon? Napakagandang isipin ang isang mundo ng mga hari at reyna, marangyang palasyo, malawak na nasasakupan, trono, at korona. Ngunit kung babalik tayo sa realidad at pag-isipan ang mundong ginagalawan natin ngayon. Malayo na tayo sa mga alamat at mito ng nakaraan. Sa katunayan, sa panahon natin ngayon, mayroon na lamang apat na bansa na may absolutong monarkiya.
Ngunit sandali lang—hindi ibig sabihin nito na ang konsepto ng hari at kaharian ay wala nang saysay sa ating buhay ngayon. Isipin mo ito: Nang tinanong si Jesus ng Kanyang mga tagasunod kung paano sila dapat manalangin, itinuro Niya sa kanila na ipanalangin ang pagdating ng kaharian ng Diyos. Ano ang ibig sabihin nito? Nasaan ang kaharian ng Diyos? At ito ba ay isang panalanging dapat pa rin nating ipanalangin ngayon?
Sa araling ito, pag-uusapan natin ang tatlong posibleng kahulugan ng panalanging ito. At maaaring magulat ka sa matutuklasan mo—ang kaharian ng Diyos ay hindi isang panaginip o kathang-isip lamang. Sa katunayan, mas malapit ito sa iyo kaysa sa iyong inaakala mo.
Panimula sa Podcast
Kamusta kayong lahat. Ito ang podcast na Patuloy na Pagkatok. Ako si Scott Ihle, at ako ang Executive Director ng Logos Answers, at ang missionary in residence sa Woodstock church of Christ sa Atlanta, Georgia. Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad na kung sila'y kakatok, bubuksan para sa kanila ang pinto. At sa podcast na ito, kami ay kumakatok ng walang tigil, at walang pag-aalinlangan, habang sinusubukan naming tuklasin ang katotohanan tungkol sa Diyos na maylikha, at ang hinirang anak ng Diyos na si Hesus, at ang kanilang kanasiyahang salita na matatagpuan sa Biblia.
Ang Pagluklok kay Jesus bilang Hari
Ano ang naiisip mo kapag sinabing “hari”? Iniisip mo ba ang isang makapangyarihan at kahanga-hanang pinuno? O baka naman isang taong mayaman at may impluwensiya? Marahil, para sa ilan, mahirap isipin na ang isang hamak at mapagpakumbabang guro gaya ni Jesus ay maaaring isang hari. Ngunit ito mismo ang una nating tatalakayin.
Nang turuan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod kung paano manalangin sa Lucas kabanata 11, sinabi Niya:
Ama, sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo (2, Ang Biblia, 2001).
Alam ni Jesus na ang Kanyang mga tagasunod ay sabik na makita ang isang bagong hari at isang bagong kaharian. Noon, halos buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng makapangyarihang Imperyong Romano. Ngunit alam ng mga Hudyo na ipinangako ng Diyos, sa pamamagitan ng mga propeta, na darating ang araw na ipadadala Niya ang Kanyang Hinirang na Anak upang magtatag ng isang kahariang hindi kailanman mawawasak.
Sa loob ng mahigit 700 taon, ang bayan ng Diyos ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng iba’t ibang kaharian—una, ang mga Babilonyo, sumunod ang mga Persiano, pagkatapos ang mga Griyego, at ngayon naman, ang Imperyong Romano. Noong unang binihag ang mga Hudyo patungong Babilonia, ang hari noon ay si Nebucadnezar.
Nagkaroon siya ng isang panaginip, isang pangitain mula sa Diyos, kung saan nakita niya ang apat na makapangyarihang kaharian. Ang propetang si Daniel, na naglilingkod sa hari, ang nagpaliwanag ng kahulugan nito. Sa Daniel kabanata 2, sinabi ni Daniel kay Nebucadnezar kung ano ang magaganap sa panahon ng ikaapat na kaharian:
At sa mga araw ng mga haring iyon ang Diyos sa langit ay magtatatag ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman, o ang kapangyarihan man nito'y iiwan sa ibang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang iyon, at ito'y mananatili magpakailanman (44).
Lumipas ang maraming henerasyon sa ilalim ng tatlong magkasunod na kaharian, at ngayon, nasa ilalim naman sila ng ikaapat—ang Imperyong Romano. Kaya naman sabik na sabik ang mga Hudyo sa pagdating ng kaharian ng Diyos.
Ngunit hindi lang iyon—inaasahan din nilang darating ang isang makapangyarihang pinuno na hahatol sa mga kaaway ng Diyos bago maupo sa trono ng kaharian. Sa isa pang pangitain ni Daniel, nakita niya ang apat na kakila-kilabot na halimaw, na may kaugnayan sa apat na kahariang nakita ni Nebucadnezar sa kanyang panaginip. Ngunit sa pagkakataong ito, sa ilalim ng ikaapat na kaharian, nakita ni Daniel ang pagdating ng hari.
Sa Daniel kabanata 7, isinulat niya:
Patuloy akong nakakita sa pangitain sa gabi, at narito, ang isang gaya ng Anak ng tao na dumarating kasama ng mga ulap. At siya'y lumapit sa Matanda sa mga Araw, at iniharap sa kanya. Binigyan siya ng kapangyarihan, kaluwalhatian, at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, bansa, at mga wika ay maglingkod sa kanya. Ang kanyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan na hindi lilipas, at ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak (13–14).
Sa pangitaing ito, ang “Matanda sa mga Araw” ay walang iba kundi ang Diyos Ama—ang umiiral bago pa ang lahat ng bagay. Samantala, ang “Anak ng Tao” ay isang tila banal na persona. Dumarating Siya kasama ng mga ulap. Tinatanggap Niya ang kapangyarihan mula sa Diyos. Ngunit kapansin-pansin—mukha rin Siyang isang tao.
Sino kaya ito? Sino ang banal na nilalang na may anyong tao, darating sa panahon ng ikaapat na mapanupil na kaharian, at tatanggap ng walang hanggang kaharian na tatawagin ang lahat ng bansa?
Ito ang tanong na bumabalot sa isipan ng marami noong panahon ni Jesus. Sabik silang makita at makilala ang “Anak ng Tao” na ipinangako sa kasulatan. Kaya naman nang dumating si Jesus, nagsimula Siyang magpahayag ng napakatapang at kapansin-pansing mga pahayag. Napakatindi ng Kanyang sinasabi—na kung hindi Siya isang baliw, Siya mismo ang banal na Anak ng Tao na kanilang hinihintay.
Halimbawa, si Jesus ay gumawa ng mga kamangha-manghang himala habang nagtuturo ng mga talinghaga tungkol sa kaharian ng Diyos. Ipinahayag Niya na ang kaharian ng Diyos ay malapit na. Sinabi Niya na may ilan sa Kanyang mga tagapakinig na hindi mamamatay hangga’t hindi nila nakikita ang pagdating ng kaharian ng Diyos.
At madalas Niyang tawagin ang Kanyang sarili bilang “Anak ng Tao.” Para sa sinumang may alam sa Kasulatan, malinaw na ito ay isang pagtukoy sa pangitain ni Daniel.
Kung pagsasamahin natin ang lahat ng ito, makikita natin na ang buong misyon at ministeryo ni Jesus ay tungkol sa pagtatatag ng Kanyang kaharian.
Ngunit hindi ito isang kahariang may pisikal na punong-tanggapan dito sa lupa. Hindi ito isang kahariang gaya ng inaasahan ng marami.
Nang litisin si Jesus sa harap ng Romanong gobernador na si Pilato, sinabi Niya sa Juan kabanata 18:
Ang kaharian ko ay hindi mula sa sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay mula sa sanlibutang ito, ang aking mga tauhan ay makikipaglaban sana upang ako'y huwag maibigay sa mga Judio; ngunit ang aking kaharian ay hindi mula rito (36).
Ano ang ibig Niyang sabihin na ang Kanyang kaharian ay hindi mula sa mundong ito?
Inutusan ni Pilato na ipako si Jesus sa krus. Ngunit makalipas ang tatlong araw, Siya ay muling nabuhay! Nagpakita Siya sa Kanyang mga tagasunod sa loob ng apatnapung araw, at pagkatapos ay umakyat Siya sa langit upang maupo sa kanan ng Ama at maghari sa kalangitan.
Ibig sabihin, ang kaharian ni Jesus ay isang kahariang makalangit. Umupo Siya sa Kanyang trono matapos Siyang mamatay at muling mabuhay.
Sinasabi sa atin ng Biblia sa Efeso kabanata 1:
Kanyang isinagawa ito kay Cristo, nang kanyang muling buhayin siya mula sa mga patay, at pinaupo sa kanyang kanan sa sangkalangitan, higit na mataas kaysa lahat ng pamunuan, kapamahalaan, kapangyarihan, at paghahari, at sa bawat pangalan na pinangalanan, hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa darating na panahon. At kanyang inilagay ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa, at ginawa siyang ulo ng lahat ng mga bagay sa iglesya (20–22).
Si Jesus ngayon ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Ang Kanyang kaharian ay naitatag na matapos ang Kanyang kamatayan, pagkabuhay na mag-uli, at pag-akyat sa Kanyang trono sa langit. At ang Kanyang mga nasasakupan ay ang Kanyang mga tagasunod dito sa lupa—ang mga naniniwala at nagpapasakop sa Kanya.
Ngayon, kung ang sagot sa panalanging itinuro ni Jesus—“Dumating nawa ang Iyong kaharian”—ay ang Kanyang sarili, at ang Kanyang kaharian ay dumating na, bakit hindi natin ito nakikita? Bakit pakiramdam natin ay wala tayo sa kaharian ng Diyos?
Ang Pangwakas na Tagumpay at Kapayapaan ng Diyos
Dito tayo dadako sa ikalawang posibleng kahulugan ng panalanging itinuro ni Jesus: “Dumating nawa ang kaharian mo.” Marahil, dahil hindi pa ganap na nahahayag ang kaharian ni Jesus sa buong mundo, maaaring ang tinutukoy Niya ay isang hinaharap na kaganapan—isang darating na ganap na pagpapakita ng kaharian ng Diyos. Sa madaling salita, maaaring nais Niyang ipanalangin ng Kanyang mga tagasunod ang kumpletong kaganapan ng Kanyang kaharian sa hinaharap.
Maraming tao ngayon ang nagtatanong, “Nasaan ang kaharian ng Diyos?” Ang mga mapagduda ay magsasabing, “Hindi ko naman ito nakikita.” Mahigit 2,000 taon na ang lumipas mula noong panahon ni Jesus, ngunit nandiyan pa rin ang karamdaman, lungkot, at paghihirap. Patuloy pa rin ang pagdurusa sa mundo. Maging ang ilang mga Kristiyano ay nakakaranas ng panghihina ng loob. May mga pagkakataong nag-aalinlangan sila at nalilimutan ang katotohanan ng kaharian ng Diyos. Bakit nga ba hindi natin ito nakikita nang buo?
Ang dahilan nito ay bagaman naitatag na ni Jesus ang Kanyang kaharian, hindi pa ito ganap na nahahayag at natutupad sa lahat ng aspeto. Sa katunayan, malinaw Niyang sinabi na ang buhay Kristiyano ay magiging mas mahirap muna bago ito gumaan.
Halimbawa, sa kasalukuyang kalagayan ng kaharian ng Diyos, hindi agad aalisin ni Jesus ang lahat ng kasamaan at pagdurusa sa mundo. Sa halip, binibigyan Niya ng pagkakataon ang sanlibutan na magsisi at matiyagang naghihintay para sa mas marami pang tao na piliing sumunod sa Kanya.
Sa 2 Pedro kabanata 3, isinulat ni Apostol Pedro:
Una sa lahat, dapat ninyong malaman ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga manlilibak, na manlilibak at lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, at magsasabi, “Nasaan ang pangako ng kanyang pagdating? Sapagkat, buhat pa nang mamatay ang ating mga ninuno, nananatili ang lahat ng mga bagay sa dati nilang kalagayan mula nang pasimula ng paglalang.” Sinasadya nilang hindi pansinin ang katotohanang ito, na sa pamamagitan ng salita ng Diyos ay nagkaroon ng langit nang unang panahon at inanyuan ang lupa mula sa tubig at sa pamamagitan ng tubig, na sa pamamagitan din nito ang daigdig noon ay inapawan ng tubig at nagunaw. Ngunit sa pamamagitan ng gayunding salita ang kasalukuyang langit at lupa ay iningatan para sa apoy, na inilalaan sa araw ng paghuhukom at sa paglipol sa masasamang tao. Subalit huwag ninyong kaliligtaan ang katotohanang ito, mga minamahal, ang isang araw sa Panginoon ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw. Hindi mabagal ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako, na gaya ng kabagalang itinuturing ng iba, kundi matiyaga sa inyo, na hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay dumating sa pagsisisi (3–9).
Bagaman hindi natin ito nakikita ngayon, ipinahayag sa atin ng Biblia sa Efeso kabanata 2:
Ngunit ang Diyos, palibhasa'y mayaman sa awa, dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa atin, maging noong tayo'y mga patay sa pamamagitan ng ating mga pagsuway, binuhay niya tayo kay Cristo—sa pamamagitan ng biyaya kayo'y naligtas, at tayo'y muling binuhay na kasama niya, at pinaupong kasama niya sa sangkalangitan, kay Cristo Jesus (4–6).
Ano ang ibig sabihin nito? Mula sa pananaw ng Diyos, ang isang tunay na Kristiyano ay namumuno na kasama ni Jesus sa langit ngayon. Totoo, narito pa rin tayo sa lupa. Nakararanas tayo ng gutom at uhaw, sakit at hirap, pati na rin ng kamatayan—gaya ng naranasan ni Jesus. Bilang mga tagasunod ni Cristo, hinaharap din natin ang mga hamon ng pamumuhay ayon sa mataas na pamantayang moral. Sa buong mundo, maraming Kristiyano ang inuusig dahil sa kanilang pananampalataya. Ngunit bagaman narito ang ating mga katawan sa lupa, ang ating mga espiritu naman ay nasa piling ni Cristo sa langit, namumuno kasama Niya.
Sa kabila nito, may darating na tiyak na panahon kung kailan ang lahat ng Kristiyano ay maghahari kay Cristo sa kaluwalhatian, at ito’y makikita ng buong mundo. Sa ngayon, parang isang panandaliang sulyap pa lamang ang ating nararanasan sa kaharian ng Diyos. Ngunit sa katapusan ng panahon, ipapakita ito nang buo.
Ipinahayag ni Jesus ang araw na ito sa Mateo kabanata 25:
Kapag dumating na ang Anak ng Tao na nasa kanyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, siya'y uupo sa trono ng kanyang kaluwalhatian. At titipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at kanyang pagbubukud-bukurin ang mga tao na gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing, at ilalagay niya ang mga tupa sa kanyang kanan, subalit ang mga kambing ay sa kaliwa. Pagkatapos ay sasabihin ng Hari sa mga nasa kanyang kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan (31–34).
Si Jesus ay Hari na ngayon. Mayroon na Siyang kahariang naitatag noon pa man. Hindi pa natin ito lubos na nakikita ngayon, ngunit ipinangako sa atin na makikita natin ito sa hinaharap. Sa takdang panahon, si Jesus ay babalik bilang Hari upang hatulan ang mundo at gantimpalaan ang Kanyang mga tagasunod.
Ang Kaharian ng Diyos ay Narito Na
Ang ikatlong posibleng kahulugan ng panalanging itinuro ni Jesus—“Dumating nawa ang kaharian mo”—ay maaaring tumutukoy sa pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan sa anumang panahon at lugar. Ang kaharian ng Diyos ay narito tuwing ginagawa natin Siyang Hari ng ating buhay. Siya ay naghahari tuwing sinusunod natin ang Kanyang kalooban. Sa katunayan, sa isang bersyon ng panalanging ito sa Ebanghelyo ni Mateo, ganito ang sinabi ni Jesus:
Dumating nawa ang kaharian mo. Masunod nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa (6:10).
Totoo, matagal nang naitatag ang kaharian ni Jesus. Totoo rin, balang araw, ganap itong mahahayag sa atin. Ngunit higit pa rito, maaari tayong maging bahagi ng Kanyang kaharian ngayon mismo. Ngayong araw. Paano? Sa pamamagitan ng pagtanggap kay Jesus bilang Panginoon at Hari ng ating buhay at sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Isa sa pinakamalaking hamon na nakikita ko, sa pareho sa Kristiyano at hindi Kristiyano, ay ang hindi nila nakikita o kinikilala ang pamamahala ng Diyos ngayon. Para sa hindi Kristiyano, maaaring mahirap makita ang kaharian ng Diyos dahil sa mga hamon ng buhay, o kaya naman ay tinatanggihan na lang nila Siya nang tuluyan. Para naman sa Kristiyano, bagama’t alam nilang umiiral ang kaharian ng Diyos, may mga pagkakataon na hindi nila ito nabibigyang-halaga sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Minsan, masyado silang nakatuon lang sa hinaharap na gantimpala sa langit ngunit nakakalimutan naman nila ang kanilang tungkulin at pananagutan ngayon.
Lahat tayo ay nangangailangan ng pamamahala ng Diyos sa ating buhay. Kailangan natin ito ngayon. Hindi lang ito tungkol sa nangyari 2,000 taon na ang nakalipas. Hindi lang ito tungkol sa isang pangakong naghihintay matupad. Oo, mahalagang pag-usapan ang mga bagay na iyon. Ngunit wala silang kahulugan sa atin kung hindi natin kinikilala ang paghahari ng Diyos sa ating buhay ngayon.
Ang Diyos ay may batas at plano para sa Kanyang nilikha. Ang batas ay matatagpuan sa mga turo ni Jesus at sa Espiritu ng Diyos, na inihayag sa Bagong Tipan ng Bibliya. Ang plano naman ng Diyos ay para sa lahat ng tao, saan man sila naroroon, na tumugon sa mabuting balita ng kaligtasan sa pamamagitan ng Kanyang Anak, ang Haring si Jesus—na sila’y magsisi at gawin ang Diyos bilang tunay na Hari ng kanilang buhay. Kasama ng sakripisyo at pagtubos ni Jesus, ang ating mapagpakumbabang pagsunod ang paraan ng Diyos upang baguhin ang mundo at ipatupad ang Kanyang paghahari. Mas nagiging maayos ang mundo kapag sinusunod ng tao ang kalooban ng Diyos sa halip na ang sarili nilang kagustuhan. Bagamat ito ang ideya, alam nating hindi palaging ganito ang nangyayari. Ngunit ito ang dapat nating taimtim na mithiin at ipanalangin.
Dahil dito, sinabi ni Jesus, “Kapag kayo'y nananalangin, inyong sabihin, ‘Ama, sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo.'" Dapat nating ipanalangin na maghari ang Diyos sa ating buhay ngayon. Dapat nating ipanalangin na ang buong mundo ay magpasakop sa paghahari ng Diyos upang maghari ang kapayapaan at katarungan. Ang tunay na kapayapaan at katarungan ay dumarating sa buhay ng tao kapag kinikilala nila si Haring Jesus bilang Panginoon sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya at pagtatapat. Sila’y nagsisisi sa kanilang mga kasalanan at pagiging makasarili. Sila’y binabautismuhan sa tubig para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. At sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, ginagawa nilang pangunahing layunin ang pagdating ng kaharian ng Diyos—sa pamamagitan ng kanilang mapagpakumbabang pagsunod, tapat na paglilingkod sa Hari, at masunuring pamumuhay ayon sa Kanyang kalooban.
Buod
Kaya, tiningnan natin ang tatlong posibleng paliwanag sa sinabi ni Jesus sa Kanyang halimbawang panalangin: “Dumating nawa ang kaharian mo.” ibig Nya bang sabihin na ang pagsisimula ng Kanyang kaharian kaagad pagkatapos ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay? ibig Nya bang sabihin na ang ganap na pagpapakita ng kaharian sa huling araw? O, gaya ng sinabi ng iskolar ng Bibliya na si Everett Ferguson, ang pangunahing layunin ni Jesus ay ipakita ang katangian ng paghahari ng Diyos, at hindi ang tanong kung kailan ito magaganap—sa kasalukuyan man o sa hinaharap? Sa palagay ko, higit na tinutukoy ni Jesus ang agarang paghahari ng Diyos sa ating buhay ngayon.
Ano sa tingin mo ang ibig sabihin ni Jesus sa Kanyang halimbawang panalangin? Sana ay natulungan kaming sagutin ang tanong na ito sa episode na ito. Kung mayroon ka pang ibang tanong tungkol sa araling ito, o anumang iba pang paksa mula sa Bibliya, ipaalam mo sa amin, at sisikapin naming sagutin ito. Hanggang sa muli, nawa’y maranasan mo ang paghahari ng Diyos sa iyong buhay ngayon.