top of page

Maari ko bang taglayin si Jesus at ihiwalay Siya mula sa Iglesia at relihiyon?

Si Jesus ay hindi maaring ihiwalay mula sa Iglesia at relihiyon – iyon ay, kung ang tinutukoy natin ay ang tunay na Iglesia at tunay na relihiyon. Syempre, malaking hamon sa marami na makita ang mga tao sa loob ng isang di-perpektong simbahan na isinasabuhay ang di perpektong relihiyonAng mga ganitong kalagayan ay itinuturing na kontradiksyon at kahihiyan. Gayunpaman, hindi ito sapat na dahilan upang humubog tayo ng Jesus na ayon sa ating gusto. Si Jesus ay ang Salita ng Diyos at ang mismong Diyos na nagtuturo sa atin na sumamba at maglingkod sa Kanya sa natatanging paraan na kasama ang mga kapatiran. Lahat ng uri ng simbahan at relihiyon na tumatanggi sa ganitong pamamaraan ay tiyak na babagsak. Ating tungkulin kung gayon na alamin ang kalooban ni Jesus para sa mga tinawag Niya; ang makipag-ugnayan sa Kanya at sa kapatiran sa diwa ng matuwid na pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Kailangan nating alamin ang tunay na katangian ng Iglesia ni Cristo.


Subalit, bago tayo dumako sa mga talatang ukol sa ating paksa, mahalagang linawin muna natin ang ating mga termino o kataga. Una sa lahat, kapag ang Biblia ay nagsasalita tungkol sa “Iglesia”, hindi nito tinutukoy ang isang malaking gusali o ang isang espisipikong denominasyon o sekta ng Kristyanismo. Sa Biblia, ang “Iglesia” ay literal na nangangahulugang “kalipunan” o “kalipunan ng mga taong tinawag para sa kaukulang paglilingkod” (see also "Why are There So Many Churches?"). Sa 1 Timoteo 3:15, ang Iglesia ni Jesus ay partikular na binansagang “sambahayan ng Diyos,” “ang Iglesia ng buhay na Diyos”, o kaya’y ang “haligi at saligan ng katotohanan”. Ang mga biblikal na kahulugan na ito ang siyang tutulong sa atin upang maunawaan ang Iglesia. Kaya nga, hindi tayo dapat magnasang mapabilang sa samahang itinatag ng tao. Hindi plano ng ng Diyos na tayo’y paghiwa-hiwalayin ayon sa ating mga kagustuhan at kinaugalian. Kapag sinasabi nating nais nating maging bahagi ng Iglesia, ang ibig nitong sabihin ay nais nating maging Kristyano; ang maging bahagi ng pamilya ng Diyos na siyang tunay na Iglesia. Dito’y idinadagdag tayo ng Diyos sa Kanyang mga tinawag na mismong binansagan Niyang Iglesia.

May mga taong gustong sumunod sa listahan ng mga tuntunin at may mga tao na naman na ayaw rito (partikular sa relihiyon). Ngunit kung sakaling ikaw yung tipo na naghahanap na mga partikular na tuntunin para sa isang Kristyano, tatalakayin natin iyan mayamaya. Unahin muna nating bigyang kahulugan ang salitang “relihiyon” upang maging malinaw ang ating tinatalakay. Ang karaniwang kahulugan ng ‘relihiyon’ ay sistema ng paniniwala, pagsamba, at kaugalian. At gamit ang ganitong kahulugan, bawat relihiyon ay may kanya-kanyang tuntunin ng paniniwala, paraan ng pagsamba, at kinaugaliang pamumuhay. Subalit ang Bagong Tipan ay hindi nagbibigay ng maraming pakahulugan sa relihiyong Kristyanismo. Mayroon lamang isang tunay na relihiyon na ayon sa kataga ng Biblia ay tinaguriang, “ang pananampalataya.” Sa madaling salita, kung ikaw at ako ay nagnanais na mapabilang sa nag-iisa at tunay na Iglesia, kailangan nating tiyakin na naipapamuhay ang nag-iisa at tunay na pananampalataya, o yaong sistema ng katuruang matatagpuan sa Bagong Tipan na itinuro ni Jesu-Cristo at ipinangaral ng mga Apostol. Ang sabi sa Efeso 4:5, "Isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo" (Ang Biblia, 2001).


Ang tinaguriang Sermon sa Bundok ni Jesus ay nagpapakita na Siya ay may inaasahang “matapat na relihiyon” mula sa atin. Ayon sa ilang relihiyosong batayan, ang Sermon sa Bundok ay naglalaman ng mga hindi nagmamaliw na moral na katotohanang dapat ipamuhay. Subalit higit pa riyan, ang sermon na ito ay nagpapakita ng malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng mababaw na uri ng relihiyon at ng malalim na batayan ng pananampalataya at pagsunod kay Jesus. Sa Mateo 5:20 ay sinabi ni Jesus, "Sapagkat sinasabi ko sa inyo, malibang humigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, ay hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit." Ang mga eskriba at Pariseo ang siyang masisigasig na moralista at relihiyoso ng panahong iyon. Ngunit hindi sinabi ni Jesus na ang kanilang sigasig ay walang kabuluhan. Sa halip, sinabi Niya na ang ating relihiyon ay dapat na lumalalim at nag-uugat; hindi yung pagsunod lang sa panlabas na tuntunin. Halimbawa, sa talatang 21—22 ay sinabi ni Jesus, “Narinig ninyo na sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag kang papatay; at ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman..." At matapos ang iba pa Niyang pagkukumpara sa pagitan ng mababaw at malalim na pananampalataya, sinabi Niya sa talatang 48, "Kaya't kayo nga'y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal." Sa madaling salita, ang ating reaksyon sa bulaan at mababaw na relihiyon ay dapat na hangaring lumalim sa pamumuhay na para sa Diyos, sa halip na ang talikuran ang relihiyon.


Wika pa ni Jesus sa Kanyang Sermon sa Bundok,

“Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. Kaya't ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at ginaganap ang mga ito ay matutulad sa isang matalinong tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Bumagsak ang ulan, at dumating ang baha. Humihip ang mga hangin at hinampas ang bahay na iyon, ngunit hindi iyon bumagsak, sapagkat itinayo sa ibabaw ng bato. Ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at hindi ginaganap ang mga ito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Bumagsak ang ulan, at dumating ang baha. Humihip ang mga hangin at hinampas ang bahay na iyon, at iyon ay bumagsak; napakalakas nga ng kanyang pagbagsak.” (Mateo 7:21; 24—27).

Kaya n malinaw na ipinapakita sa atin ng Sermon sa Bundok na hindi maaari ang pakikipag-ugnayan kay Jesus na hiwalay sa relihiyon (iyon ay, sa sistema ng paniniwala, pagsamba, at mga kaugalian).


Ipinapakita rin sa atin ng Biblia kung paanong ang sinaunang Iglesia ay naging matapat sa pagsasabuhay ng mga turo ni Jesus. Matapos na ang Iglesia ay naipanganak sa araw ng Pentecostes sa ika-2 kabanata ng Gawa, makikita natin na ang mga Kristiyano ay may pinanghawakang partikular na anyo ng relihiyon. Pansinin mo ang sinasabi sa Gawa 2:41-47,

Kaya't ang mga tumanggap ng kanyang salita ay binautismuhan at nadagdag nang araw na iyon ang may tatlong libong kaluluwa. Nanatili silang matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasama-sama, sa pagpuputul-putol ng tinapay at sa mga pananalangin. Dumating ang takot sa bawat tao at maraming kababalaghan at tanda ang nangyari sa pamamagitan ng mga apostol. At ang lahat ng mga mananampalataya ay magkakasama at ang kanilang ari-arian ay para sa lahat. Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at mga kayamanan at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat isa. At araw-araw, habang sila'y magkakasama sa templo, sila'y nagpuputul-putol ng tinapay sa bahay-bahay, at nagsasalu-salo na may galak at tapat na puso, na nagpupuri sa Diyos, at nagtatamo ng lugod sa lahat ng tao. At idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw ang mga naliligtas.

Kung iyong mapapansin, sa unang araw pa lamang ng kapanganakan ng Iglesia, sila ay may relihiyong nakaugaliang magbautismo, yumakap sa turo ng mga Apostol, magsama-sama, magpira-piraso ng tinapay, manalangin, magbigay, magtulungan, at magpuri sa Diyos. At ang lahat ng gawing ito ay patuloy pa ring gawi ng mga simbahan ng Panginoon sa iba’t ibang panig ng mundo. Ngunit ang simbahang nagkukulang sa pagsasagawa ng mga gawaing ito ay pumapalyang sumunod sa kalooban ni Jesus para Kanyang Iglesia.

Ang relihiyosong pamumuhay na nakaugnay sa Iglesia ay hindi lamang sumusunod sa katuruan ni Jesus kundi naglalagay rin sa atin sa malapit na pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa kapatiran. Ayon sa liham ni Pablo sa mga simbahan sa Efeso, “Huwag kayong magpakalasing sa alak, na ito ay labis na kahalayan, kundi mapuno kayo ng Espiritu. Kayo'y magsalita sa isa't isa sa mga awit at mga himno at mga awiting espirituwal, na sa inyong mga puso ay nag-aawitan at gumagawa ng himig sa Panginoon, laging nagpapasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sa Diyos na ating Ama” (Efeso 5:18-21). Makikita natin sa talatang ito kung paano na ang mga Kristyano ay “mapuspos ng Espiritu” o “makipisan sa Diyos”. Ayon rito, tayo ay dapat na 1) makipag-ugnayan sa isa’t isa, 2) umawit sa Panginoon, 3) magpasalamat sa Diyos, at 4) magpasakop sa isa’t isa. At bagamat ang listahang ito ay hindi naglalaman ng lahat ng gawi na maglalapit sa atin sa Diyos, ito’y halimbawa ng mga gawing magsasakatuparan ng gayong layon. Ibig lang sabihin, hindi ka maaaring magkaroon ng ugnayan sa Diyos na hiwalay ka sa Iglesia at relihiyon.


Sa lahat ng ito, may mas mahusay na tanong kaysa dito sa “Magagawa ko bang paglingkuran si Jesus na hindi umaanib sa isang simbahan o nagsasagawa ng mga relihiyosong gawi?” Ang ganyang uri ng tanong ay maaaring nagpahiwatig na ang mababaw na pananampalataya ay ayos lang. Subalit hindi ito kailanman naging turo ni Jesus. Sa halip, ang tanong na dapat nating sagutin ay ito: “Upang higit kong mapaglingkurang tapat si Jesus, paano kaya ako makakabahagi sa tunay na Iglesia at makibahagi sa tunay na pananampalataya?” Kaibigan, kung iyan ang iyong hangarin, nais ka naming tulungan na lumago sa salita ng Diyos. Kung ikaw ay naghahanap ng simbahan, mangyaring makipag-ugnayan ka sa amin gamit ang aming homepage o social media. Isang kagalakan para sa amin na pagtagpuin ang tunay na naghahanap sa katotohanan at ang tunay na Iglesia.

18 view

Mga Nauugnay na Post

bottom of page