Napakaraming katibayan mula sa kasaysayan ang nagpapatunay na si Jesus na lumaki sa Nazareth ay tunay na nabuhay sa lugar ng Palestina noong unang siglo. Hindi marapat kung gayon na Siya’y ituring na isang tauhan sa alamat. Si Jesus ay tunay na taong nabuhay sa balat ng lupa. Alam natin kung saan at kailan Siya isinilang at ang mga pangyayaring naganap kaalinsabay ng Kanyang kapanganakan. Dinumog Siya ng napakaraming mga tagasunod at hindi mabilang ang mga nakasaksi sa Kanya. Maging ang kilalang relihiyon at emperyo ng Kanyang panahon ay nakabanggaan Niya. Lahat ng ito ay pinatutunayan ng maraming naisulat na kasaysayan nang panahong iyon. Ngunit higit sa lahat, ang Kristyanismo ay nakasalalay sa tanong na, “Si Jesus ba ay tunay na umiral sa kasaysayan?” Pahayag mismo ni Jesus tungkol sa Kanyang Sarili na Siya’y Diyos na nagkatawang tao. At ang mga Kristyano sa simula’t sapol pa lang ay isinalig na ang kanilang pananampalataya sa katotohanang si Jesus ay makasaysayang persona sa balat ng lupa.
Siyempre, maraming mga mang-uusig na kritiko ang nagtangka at nagsikap na pabagsakin ang Kristyanismo dahil ito raw ay isang panlilinlang. Sa nakalipas na 150 na mga taon, maraming kritiko ang nagsumikap na patumbahin ang Kristyanismo sa pamamagitan ng pananaw na si Jesus ay hindi tunay na taong nabuhay sa kasaysayan. Isinagawa nila ito sa pamamagitan ng hindi patas at hindi makatuwirang pamamaraan. Tumanggi sila sa mga malinaw na katibayang iniharap sa kanila. Gayunpaman, isa sa mga Kristyanong iskolar na si Gary Habermas, ang katibayan ni Jesus sa kasaysayan ay higit pang matibay kaysa sa mga kilalang tauhan sa daigdig na gaya ng Romanong si Caesar Tiberius at ng magiting na Griego at mananakop na si Alexander the Great. [1] Dahil rito, maraming mga kilalang iskolar na hindi Kristiyano ang ipinaglalaban ang katotohanan ni Jesus bilang makasaysayang persona. Isang halimbawa na rito ay ang mananalaysay na si Bart Ehrman. Ayon sa kanya, “Ang pag-iral ni Jesus sa kasaysayan ay hindi isyung dapat pagtalunan pa. Bagamat may ilang tinatangay ng kanilang kuro-kuro, mas maraming mga dalubhasa ang nagkakaisa sa katotohanan ni Jesus bilang makasaysayang persona. Sila’y sumasang-ayon sa paniniwalang si Jesus ay isang Judio na naging tanyag bilang mangangaral at guro, ipinako sa krus (isang Romanong paraan ng pagparusa) sa Jerusalem sa ilalim ng pamamahala ng Romanong emperador na si Tiberius at ng gobernador ng Judea na si Pontio Pilato.”[2] Siyempre, ang mga puntos na ito na sinasang-ayunan ng mga iskolar ay pinapatunayan rin ng Biblia. [3]
Kaya nga, maaari tayong magkaroon ng tibay at kapanatagan hinggil sa katotohanan ni Jesus bilang isang makasaysayang persona. Ang Kanyang buhay at ginawa sa lipunang Kanyang ginalawan ay itinala ng mga mapagkakatiwalang mananalaysay. Ang totoo niyan, Kristyano man o hindi ang isang mananalaysay, sila’y nagpatotoo sa makasaysayang buhay ni Jesus. Halimbawa, sa Bagong Tipan ay mayroon tayong 8 magkakaibang manunulat na nagpatotoo tungkol sa buhay ni Jesus. Sa kanilang mga sulat ay itinala nila ang napakaraming mga saksi na nagkaroon ng malapit na pakikipag-ugnayan kay Jesus (ilang halimbawa ay sa Lukas 5:15 at 1 Corinto 15:6). Dagdag pa rito, marami ring mga dalubhasang manunulat at manunulat na Kristyano ang nagpatotoo tungkol kay Jesus (ilan sa mga ito ay sina Ignacio, Justin Martir, Clemente, Quadratus, at iba pa). Marami sa mga taong ito ay hindi lamang mga ebanghelista o mangangaral ng relihiyon, kundi mga tagapagtanggol ng pananampalatayang Kristyano laban sa mga mapagpabulaan ng kanilang panahon. Mayroon ding mga di-Kristyanong mananalaysay na laban mismo sa Kristyanismo ay naging patotoo rin sa tunay na buhay ni Jesus sa daigdig (ilan sa mga ito ay sina Josephus at Tacitus). Kaya nga, ang hindi mapapasubaliang dami ng mga saksi para kay Jesus ay patunay na Siya’y nabuhay sa kasaysayan. Karaniwang sinasaad sa sistema ng hustiya sa buong mundo na sapat ang patotoo ng isang saksi upang pagdudahan ang isang pinaniniwalaang kaganapan. Subalit sa kasong ito, mayroon tayong napakaraming manunulat na mga saksi hinggil sa buhay ni Jesus at iilan lamang ang nangangahas na ito’y pabulaanan. Kaya’t sinumang may matinong pag-iisip ay maniniwala sa katotohanan ni Jesus bilang isang tunay na persona sa kasaysayan.
Dapat nating maunawaan na ang paglalatag ng katotohanan ni Jesus bilang isang makasaysayang persona ay lubhang mahalaga. Kung Siya ay hindi umiral sa kasaysayan, babagsak ang kredibilidad ng Kristyanismo bilang isang relihiyon. Subalit kung Siya ay talagang umiral at gumawa ng tunay at makasaysayang kilos sa buhay ng napakaraming mga tao, ang dapat nating susunod na tanong ay: “Tunay at totoo rin ba ang Kanyang mga katuruan?” Kung totoo ang Kanyang mga katuruan, ano sa palagay mo ang dulot nito sa iyong buhay ngayon?
[1]. Gary Habermas, "The Resurrection Argument That Changed a Generation of Scholars," The Veritas Forum, May 15, 2017, 29:57, https://youtu.be/nMGLPR5X8MM. [2]. Bart Ehrman, Did Jesus Exist?: The Historical Argument for Jesus of Nazareth (New York: HarperCollins, 2012), 12. [3]. Tiberius is not explicitly named in the Bible, but the dating can easily be found to coincide.