top of page

Sino ang mga Santo sa Banal na Kasulatan?

Ang karaniwang pananaw tungkol sa mga santo ay silang mga di pangkaraniwang tao na nakaabot sa isang natatanging antas na angat sa ibang mga Kristiyano. Nananalangin pa nga ang ilang mga tao sa mga santo. Isa sa mga tanyag na santo sa Katoliko ay si St. Francis of Assisi na nabuhay noong ika-13 siglo. Kilala siya sa kanyang pagmamahal sa mga hayop at ibon. Ayon sa alamat, nagsermon raw siya sa mga ibon at nakinig naman ang mga ito sa kanya! Gamit ang halimbawang ito, ang katangian ng isang santo ayon sa pangkalahatang pananaw ay karaniwang nakaugnay sa tradisyon at kwentong bayan.


Ano ang Sinasabi ng Biblia

Subalit, iba ang sinasabi ng Biblia. Sinasabi sa atin ng Kasulatang-kinasihan na lahat ng tinawag ng Diyos ay itinuturing na mga santo. Ang bawat Kristiyano ngayon ay isang Santo ng Diyos ayon sa pagkatawag at ayon sa nararapat na pag-uugali. Sa Biblia, walang espesyal na pagtatalaga o titulo loob ng simbahan upang ang isang tao ay maging “Santo”. Hindi opisyal na bahagi ng tradisyon ang ideyang maibibilang na santo ang isang tao dahil sa pag-abot nito sa natatanging antas ng kabanalan, kundi noon lamang lumipas ang 900 taon matapos maisulat ang Biblia.[1]


Makikita natin sa maraming talata ng Biblia na ang mga Kristiyano ay tinatawag na mga santo. Halimbawa, sa Gawa 8:3, mababasa natin kung ano ang ginawa ni Saulo: “Ngunit winawasak ni Saul ang iglesya sa pamamagitan ng pagpasok sa bahay-bahay, kinakaladkad ang mga lalaki't babae, at sila'y ipinapasok sa bilangguan”. Sa Gawa 26:10, noong si Saul ay isa ng Kristiyano, inilarawan niya kay Haring Agrippa kung paano niya ibinibilanggo ang mga santo. ”At ginawa ko ito sa Jerusalem; at hindi ko lamang kinulong sa mga bilangguan ang marami sa mga banal, sa pamamagitan ng awtoridad mula sa mga punong pari, kundi nang sila'y ipapatay, ay ibinibigay ko ang aking pagsang-ayon laban sa kanila” Sa puntong ito, parehas ang katagang iglesia sa katagang santo. Ang salitang “iglesia” na tinutukoy rito ay ang mga Kristiyano. Kaya’t ang mga santo ay ang mga Kristiyano. Sa kanyang liham sa mga taga Roma, ang bati ni Pablo, “Sa lahat ninyong nasa Roma na mga iniibig ng Diyos, mga tinawag na banal o santo: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo” (1:7). Muli, maliwanag na ang lahat na Kristiyano, sila “na mga iniibig ng Diyos,” ay mga santo. At ang katotohanan, sa Bagong Tipan, ang salitang Kristiyano ay nabanggit ng 59 beses.


Sa Lumang Tipan, ang bayan o mga taong tinawag ng Diyos ay tinatawag ding mga santo, o mga banal. Halimbawa, sinasabi sa Awit 16:3, “Tungkol sa mga banal na nasa lupa, sila ang mararangal, sa kanila ako lubos na natutuwa.” Sinasabi sa Awit 34:9, “O matakot kayo sa Panginoon, kayong kanyang mga banal, sapagkat ang mga natatakot sa kanya ay hindi magkukulang!” Sa orihinal na pagkasulat ng Biblia, ang salitang “santo” ay maaaring isalin sa salitang “mga banal”. Ang salitang ito ay nagpapahiwatig ng ideya ng ibinukod, pagsunod sa relihiyon, at kadalisayan.[2] Siyempre, inaasahan ng Diyos sa Kanyang mga tinawag na maging banal, naiiba, matapat, at dalisay sa lahat ng oras at lugar. Iyan ang dahilan kung bakit ang Kanyang bayan ay tinatawag na “mga banal” o “mga santo.”


Ang Problema ng Pag-iidolo sa mga Santo

Ang papolar na ideya sa ilang grupo ng relihiyon ngayon tungkol sa pagiging santo ay nagmula sa gawi ng debosyon sa mga santo na naging martir o namatay ng dahil sa kanilang pananampalataya.[3] Sa kasaysayan, may mga tagapagturo na naniwala na ang mga martir na ito ay may natatanging lugar sa langit at dapat na ukulan ng mga panalangin. Ang paniniwalang ito ay ginawang opisyal na tradisyon ng simbahang Katoliko. Ang “pagtanghal” o pag-canonize ng mga tinaguriang pinagpalang Katoliko ay ang gawing opisyal ang kanilang pagiging santo. Ito rin ang nagbibigay pahintulot sa mga kaanib ng Katoliko na sambahin ang mga namatay na santo.


Ngunit wala tayong makikita na talata sa Biblia na nagsasabing dapat nating sambahin o ukulan ng panalangin ang mga namatay na santo. Ang totoo niyan, sinasalungat ito ng Biblia. Sa Lucas 16:24-31, may isang tao na hinatulan napunta sa Hades. Doon ay hiniling niya kay Abraham – isang taong kinikilalang napakalapit sa Diyos – na mamagitan para sa kanya at ng kanyang mga kapatid. Subalit tinanggihan siya ni Abraham at sinabing mayroong nasusulat na kautusan ang Diyos na magpapasya ng kanilang hantungan. Sa ibang mga pagkakataon naman, tinanggihan din ng mga angel at mga apostol na sila’y sambahin ng mga tao. Sa Gawa 14, sina Pablo at Barnabas ay pinarangalan na mga diyos, subalit nang makita nila ito, pinunit nila ang kanilang damit at sinabi, “Mga ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami'y mga tao rin na gaya ninyo, nagdadala kami ng magandang balita sa inyo upang mula sa walang kabuluhang mga bagay na ito ay bumaling kayo sa Diyos na buháy, na siyang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng nasa mga iyon” (15). Sa Pahayag 22, nagpatirapa si apostol Juan upang sambahin ang anghel. Subalit ang sabi ng anghel, “Huwag mong gawin iyan! Ako'y kapwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at ng mga tumutupad ng mga salita ng aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo.” (9). Ipinapakita ng mga halimbawang ito, na labag sa Biblia ang sambahin o manalangin sa mga lingkod ng Diyos, gaano man sila kahanga-hangang tingnan.


Ang ating Nag-iisangTagapamagitan sa Diyos

Sina Jesu Cristo at ang Banal na Espiritu ang ating mga tagapamagitan sa Diyos. Sa Hebreo 7:24-25, tungkol kay Jesus ay sinasabi rito, “Subalit hawak niya ang pagiging pari magpakailanman, sapagkat siya ay nagpapatuloy magpakailanman.Dahil dito, siya'y may kakayahang iligtas nang lubos ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, yamang lagi siyang nabubuhay upang mamagitan para sa kanila.” Sa Roma 8:26-27, tinutukoy naman dito ang Banal na Espiritu, “At gayundin naman, ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan; sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat; ngunit ang Espiritu mismo ang namamagitan na may mga daing na hindi maipahayag; ngunit ang Diyos na sumisiyasat ng mga puso ay nakakaalam kung ano ang kaisipan ng Espiritu, sapagkat siya ang namamagitan dahil sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos.” Kaya nga, ipinapakita sa atin sa mga talatang ito na hindi kailangang manalangin sa mga martir na santo. Wala silang magagawa para sa atin. Tanging si Jesus Cristo at ang Banal na Espiritu lamang ang makakatulong sa atin. Idirekta natin ang ating mga panalangin sa Ama, at manalig tayong ang Panginoong Jesu Cristo at ang Banal na Espiritu ay gagawin ang kanilang bahagi bilang ating mga kinatawan.


Ang Pagiging Santo

Ang isa pang karaniwang gamit para sa salitang “santo” ay pinantutukoy para sa taong mabuti. Sa madaling salita, tinatawag nating “santo” ang isang taong may di pangkaraniwang kabaitan sa mahihirap. Ngunit sa kabilang banda, maaaring may nakilala tayo na tinatawag ang kanilang mga sarili na mga Kristiyano, ngunit ang asal ay hindi naman Kristiyano! Kung minsan, palaisipan ang salitang “santo” – tinatawag ng Biblia na santo ang lahat ng mananampalataya, ngunit minsan, ang ugali ng mga anak ng Diyos ay malayo sa kanilang pagkatawag. Tuloy, mayroong tanong, “ Tinatawag ba ng Diyos na santo ang Kanyang mga anak dahil tinatanggap lamang Niya ang mga dalisay?”


Makikita ang simpleng sagot sa tanong na ito mula sa panawagan ng Diyos at sa pagtugon ng Kristiyano. Mula sa Diyos ang pagiging banal ng mga Kristiyano at ang pagkatawag sa kanila bilang mga santo. Sila’y naging mga santo hindi dahil sa sila ay mabuti at dahil rito’y nagpasya ang Diyos na bigyan sila ng espesyal na katayuan. Sinasabi sa Roma 5:8-9, “Subalit pinatutunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.

Lalo pa nga, ngayong itinuturing tayong ganap sa pamamagitan ng kanyang dugo, ay maliligtas tayo sa galit ng Diyos sa pamamagitan niya.” Dahil sa pagkilos ng Diyos, ang sangkatauhan ay maaaring mailagay sa isang espesyal na katayuan ng pagiging santo sa pamamagitan ng katapatan kay Jesu Cristo.


Ngunit, kalakip ng espesyal na kaloob ang isang espesyal na tungkulin. Sinasabi sa Roma 6:19, “Sapagkat kung paanong inihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin ng karumihan tungo sa higit at higit pang kasamaan, ngayon naman ay ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin sa paggawa ng matuwid tungo sa kabanalan.” Ang salitang “kabanalan” rito ay parehas sa “pagiging santo”. Ayon kay Pablo, ang mga Kristiyanong bilang mga tinawag ng Diyos ay may tungkuling mamuhay ng matuwid. Hindi ito nangangahulugan na ang Kristiyano ay laging perpekto, kundi mamumuhay siya sa layuning iyon sa tulong ng Diyos.


Bilang konklusyon, itinuturo ng Biblia na lahat ng mga Kristiyano ay santo sa pamamagitan ng panawagan at kapahayagan ng Diyos. Ito ay isang dakilang kaloob at kamangha-manghang katayuan! Kaugnay rito, itinuturo rin ng Biblia na ang isang Kristiyano ay inaasahang mamuhay ng matapat at banal. Ang ibig sabihin, ang isang santo ay dapat na may maayos na moral sa kanyang lipunan. Gayun pa man, hindi itinuturo ng Biblia na ang pagiging santo, sa loob ng Kristiyanismo, ay dapat sambahin, kahit silang namatay dahil sa kanilang pananampalataya. Walang sinumang tao, gaano man sila kahanga-hanga ay karapat-dapat pag-ukulan ng ating debosyon. Ito ay dapat na para lamang kay Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos, ang nag-iisang Tagapamagitan sa Diyos at sa tao.

[1]. F.L. Cross and Elizabeth A. Livingstone, eds. “saints, devotion to the,” The Oxford Dictionary of the Christian Church, Oxford: Oxford University Press, 2005. [2]. Moisés Silva, “ἅγιος,” NIDNTT, Grand Rapids: Zondervan, 2014. [3]. Cross “canonization.”

Mga Nauugnay na Post

Mag-sign Up para Makatanggap ng aming Pinakabagong mga Video, Podcast, at Articles

Salamat sa pagsusumite!

  • Facebook
  • YouTube

©2022 ng Logos Answers.

bottom of page