Ang konsepto ng bautismo ay tungkol sa paghuhugas sa tubig para sa kalinisan ng kaluluwa. Ang gawaing ito ay opisyal na itinatag ni Cristo (Mateo 28:18-20) bagamat nasasagisag na ito sa panahon ng Lumang Tipan. Kailangan ito sapagkat ang Diyos ay hindi maaring makiisa sa kasalanan. Ang tao sa pasimula pa lamang ay sumuway na sa Diyos sa iba’t ibang pagkakataon at pamamaraan. Noong unang panahon na kung saan ang sangkatauhan ay talagang nagpakasama-sama, sinabi ng Diyos na hindi na matitiis ng Kanyang Espiritu ang makipag-ugnayan sa tao (Gen. 6:3)dahil hindi Niya kayang makipag-isa o magbigay ng buhay sa isang sangkatauhan na wala ng pag-asa. Bunga nito, ang Diyos ay naghatid sa balat ng lupa ng isang matinding baha upang linisin ang daigdig mula sa lahat ng kasamaan habang iningatan at iniligtas Niya ang walong tao. Ang walong naligtas ang siyang nagkaroon ng bagong pakikipag-ugnayan at tipan sa Kanya bilang kanilang Manlilikha (Gen. 9:9). At Ang dakilang tubig o baha na nagligtas kay Noe at sa kanyang pamilya ay sumasagisag sa kaligtasang magmumula sa Kristyanong bautismo (1 Ped. 3:20-21).!
Isa pang pagsasagisag sa Lumang Tipan hinggil sa Kristyanong bautismo ay matatagpuan sa Ezekiel 36. Ang bayan ng Diyos nang panahong iyon ay nalupig at nagsipangalat bunga ng kanilang pagsuway sa Panginoon. Sila’y tuluyan ng nawalan ng pakikipag-ugnayan sa Diyos doon sa templo sa Jerusalem. Gayunpaman, matutunghayan natin sa pamamagitan ni propeta Ezekiel na ang Diyos ay nakatingin sa hinaharap na kung saan itatatag Niya ang bagong ugnayan sa Kanyang bayan (Ezek. 37:26). Bilang bahagi ng kasunduang ito, ang mga tao ng Diyos ay kailangan pa rin nilang maging malinis sa Kanyang harapan para sila ay maaaring makipag-ugnayan sa Kanya. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng Diyos, "Ako'y magwiwisik ng malinis na tubig sa inyo; kayo'y magiging malinis sa lahat ninyong karumihan, at lilinisin ko kayo sa lahat ninyong mga diyus-diyosan. Bibigyan ko kayo ng bagong puso, at lalagyan ko kayo ng bagong espiritu sa loob ninyo. Aking aalisin ang batong puso sa inyong laman, at aking bibigyan kayo ng pusong laman. Aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo nang ayon sa aking mga tuntunin, at magiging maingat kayo sa pagsunod sa aking mga batas. Kayo'y maninirahan sa lupaing ibinigay kosa inyong mga ninuno. Kayo'y magiging aking bayan at ako'y magiging inyong Diyos. Lilinisin kokayo sa lahat ninyong karumihan" (Ezekiel 36:25-29, binigyang diin).
Sa pagitan ng panahon ni Ezekiel at ni Jesus, ang mga Judio ay patuloy sa pagtatatag ng iba’t ibang mga seremonya ng paglilinis. Ang isang halimbawa nito ay ang paglilinis ng sarili bago maghandog sa templo. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng paglulubog ng kanilang katawan sa tubig na tinatawag nilang Mikvah[1]. Kaugalian rin nilang maligo at hugasan ang mga gagamitin sa hapag-pagkain bago sila kumain (Marcos 7:4; Juan 2:6). Marami sa kanilang tradisyon ang humigit pa sa tuntuning hiningi ng Diyos ayon sa batas ng Lumang Tipan. Magkagayon man, ang lahat ng ito ay nagpapakita lang na ang mga Judio ay mayroong malinaw na unawa tungkol sa halaga ng paglilinis sa pamamagitan ng tubig, upang ang isang tao ay maging matuwid sa harapan ng Diyos.
Si Juan Bautista, ang propetang tagapaghanda ng daan ni Jesus, ay dumating at nangaral rin tungkol sa pagsisisi at bautismo sa tubig. Marami ang nagpabautismo sa kanya sapagkat naghihintay ang taong-bayan sa Cristo na Siyang ganap na lilinis ng kanilang kaluluwa at magpapanumbalik ng kanilang ugnayan sa Diyos, ayon na rin sa sinaad ng propesiya ni Ezekiel (Juan 1:25-27). Maging si Jesus man ay nagpabautismo kay Juan. At matapos na Siya’y bautismuhan, ang Banal na Espiritu ay bumaba sa Kanya at narinig ang tinig ng Diyos mula sa langit at pinagtibay na si Jesus ay Anak ng Diyos (Juan 1:33-34).
Binigyang diin ni Jesus ang kahalagahan ng bautismo para sa Kanyang mga tagasunod (Juan 3:22; 4:1; Mateo 28:18-20). Sa Juan 3:3-5, malinaw na sinabi ni Jesus sa isang pinunong Judio na si Nicodemus na ang bautismo sa tubig ay mas higit pa sa rituwal. Sa halip, ito’y magiging “kapanganakan sa tubig at Espiritu” na siyang kailangang sangkap upang “mapabilang sa kaharian ng Diyos."[2] Gayundin naman, nang ang mga Apostol ay nagsimulang mangaral tungkol kay Cristo, binigyang diin nila ang kahalagahan ng bautismo upang matanggap ang kapatawaran at ugnayan sa Diyos. Halimbawa, noong Pentecostes, sinabi ni Pedro sa madlang Judio na nakikinig sa kanya, “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang mapatawad ang inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo" (Gawa 2:38). Hindi nagtagal, nang si Pablo ay naging mananampalataya, sinabi sa kanya ni Ananias, “At ngayon, ano pang hinihintay mo? Tumindig ka at magpabautismo, at hugasan ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kanyang pangalan” (Gawa 22:16). Kaya’t sa kanyang liham sa misyonerong si Tito, sinabi ni Pablo, "Iniligtas niya tayo, hindi dahil sa mga gawa na ating ginawa sa katuwiran kundi ayon sa kanyang kahabagan, sa pamamagitan ng paghuhugas ng muling kapanganakan at ng pagbabago sa pamamagitan ng Espiritu Santo" (Tito 3:5).
Malinaw sa Bagong Tipan na ang bautismo ay hindi lamang rituwal o sagisag. Sa halip, ito ang pagkakataon na kung saan, ang dumanak na dugo ni Jesus ay nagiging totoo sa kaluluwa ng mananampalataya. Matapos ang bautismo, tinitingnan ng Diyos ang ating kaluluwa at sa halip na makita rito ang dungis ng ating kasalanan, ang nakikita Niya ay ang dalisay na dugo na inialay ng Kanyang Anak na si Jesus. Kaya’t kung wala ang bautismo, hindi natin magagawang makapasok sa bagong ugnayan na ipinangako ng Diyos na nakasalig sa dugo ni Jesus.[3] Sinasabi sa Hebreo 10:22,"Tayo'y lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang mga puso ay winisikang malinis mula sa isangmasamang budhi at nahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig." Ito’y tumutukoy sa bautismo ng mananampalataya na nakaugnay sa paglilinis ng Diyos sa kanyang kaluluwa.
Dagdag pa rito, ang Biblia ay may ipinapakitang ugnayan sa pagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus sa pamamagitan ng bautismo. Sinasabi sa Roma 6:3-4, "O hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay mga nabautismuhan tungo sa kanyang kamatayan? Kaya't tayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo tungo sa kamatayan; na kung paanong si Cristo ay muling nabuhay mula sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, gayundin naman tayo'y makakalakad sa panibagong buhay." Sa madaling salita, kung ang isang mananampalataya ay nagnanais na makabahagi sa muling pagkabuhay ni Cristo, kailangan niyang makibahagi sa kamatayan ni Cristo na sinasagisag ng bautismo sa tubig. Ganito rin ang matatagpuan nating punto sa Colosas 2:12, "Nang ilibing kayong kasama niya sa bautismo, kayo rin ay muling binuhay na kasama niya sa pamamagitan ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, na muling bumuhay sa kanya mula sa mga patay." Ang ibig sabihin nito, ang bautismo ay kailangang hakbang upang maging Kristyano. Ito’y mahalagang hakbang upang makabahagi at makinabang sa kapangyarihan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo.
May ilang grupo ng mga Kristyano na naniniwala na ang bautismo raw ay hindi na kinakailangan upang maging Kristyano. Sinasabi nila na ang bautismo ay maituturing pa ring sariling-gawa upang makamit ang kaligtasan. Malinaw na tinatanggihan ng Ebanghelyo ang ideyang ang kaligtasan ay batay sa sariling pagsusumikap (Tito 3:5). Subalit ang pagsunod kay Cristo at ang pagpapasailalim sa hinihingi ng bagong ugnayan sa Diyos ay hindi nangangahulugan na pinagsikapan natin ang ating kaligtasan. Gaya ng sinasabi sa 1 Pedro 3:21, "At ang bautismo, na siyang kalarawan nito [yaong baha sa panahon ni Noe], ang nagliligtas sa inyo ngayon, hindi sa pag-aalis ng karumihan ng laman, kundi bilang paghiling sa Diyos ng isang malinis na budhi, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo." Sa madaling salita, kung hinahanap natin ang pakikipag-ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng dugo ni Cristo, kailangan nating makibahagi sa gawa ng Diyos sa pamamagitan ng kamatayan at pagkakalibing ni Jesus. Ito’y nangyayari at ginagawa natin sa pamamagitan ng pagpapa-bautismo (Roma 6:3-4; Col. 2:12). Kaibigan, hangarin namin na ikaw ay magpabautismo sa tubig para sa kapatawaran ng iyong mga kasalanan. Nawa’y makipag-ugnayan ka sa amin kung ninanais mo ito at sisikapin namin na mai-ugnay ka sa isang lokal na simbahan na handang babautismo sa iyo sa ngalan ni Cristo.
1. Everett Ferguson, Baptism in the Early Church: History, Theology, and Liturgy in the First Five Centuries (Grand Rapids: Eerdmans, 2009), 170. [2]. Hindi maliwanag na nabanggit ang bautismo sa usapan nina Jesus at Nicodemus. Gayunpaman, sa kadahilanang madalas makita ang bautismo at kaugalian ng paglilinis sa Ebanghelyo ni Juan, ito’y malinaw na pahiwatig pa rin dito. [3]. pagkaka-ayos ng pangyayari sa panahon ng baha—Una, si Noe ay nakinig sa Panginoon (Gen. 6:22; 7:5, 9, 16). Ikalawa, hinatid ng Diyos ang dakilang baha na luminis sa daigdig (7:23, 24). Ikatlo, naghandog si Noe ng mga alay (8:20-21). At kaugnay sa tatlong pangyayaring ito, ang Diyos ay nagtatag ng bagong tipan at ugnayan sa tao (9:9-17).