Ang unang linya ng modelo ng panalangin ni Jesus ay kilalang-kilala. Pero maaaring hindi mo pa naisip ang kahulugan at kahalagahan ng makabuluhang panalanging ito. Ano nga ba ang espesyal sa pangalan ng Diyos? Sa episode na ito, matututunan natin na ang “paggalang sa pangalan ng Diyos” ay higit pa sa isang relihiyosong seremonya. Ang reputasyon ng Diyos ay mula pa noong simula ng mundo, ipinahayag na ito ng mga propeta noon, at patuloy itong pinanghahawakan ng mga mananampalataya sa buong mundo hanggang ngayon.
Ano ang espesyal sa Pangalan ng Diyos?
Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad na ang isang magandang panalangin ay dapat magsabi, “Sambahin ang ngalan Mo.” Ano ang ibig sabihin nito? Sa huling podcast natin, pinag-usapan natin ang panahon kung kailan tinuruan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod kung paano manalangin. Ngayon, pag-uusapan natin ang sikat ngunit madalas na hindi nabibigyang pansin na unang linya ng modelo ng panalangin ni Jesus mula sa aklat ni Lucas. Bakit mahalagang ipanalangin ang pangalan ng Diyos? Hindi lang ito isang relihiyosong kaugalian o simpleng tanda ng paggalang—may mas malalim itong kahulugan. Ibig nitong sabihin, “Ama, nawa’y igalang ang Iyong pangalan.” Ito rin ang nagpapakita ng isa sa pinakamahalagang hangarin ng ating mga puso.
Kamusta kayong lahat. Ito ang podcast na Patuloy na Pagkatok. Ako si Scott Ihle, at ako ang Executive Director ng Logos Answers, at ang missionary in residence sa Woodstock church of Christ sa Atlanta, Georgia. Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad na kung sila'y kakatok, bubuksan para sa kanila ang pinto. At sa podcast na ito, kami ay kumakatok ng walang tigil, at walang pag-aalinlangan, habang sinusubukan naming tuklasin ang katotohanan tungkol sa Diyos na maylikha, at ang hinirang anak ng Diyos na si Hesus, at ang kanilang kanasiyahang salita na matatagpuan sa Biblia.
Pangalan = Reputasyon
Ang pangalan ng isang tao ay ang kanyang reputasyon. Kapag pumasok ka sa isang aklatan at nakita mo ang mga istante na puno ng mga libro, ang una mong makikita ay ang pamagat sa likod ng mga ito. Asahan mong ang pamagat ng libro ay wasto at tumutukoy sa nilalaman nito. Kung ang pamagat ng libro ay “Diksyunaryo,” inaasahan mong ito ay naglalaman ng talaan ng mga salita at kahulugan nito. Ganito rin ang mga tao. Kapag narinig natin ang pangalan ng isang tao, hindi lang natin sila tinutukoy, kundi nagkakaroon din tayo ng kaisipan patungkol sa kanilang reputasyon— kung ano sila, kung ano ang kanilang ugali, at kung paano sila nakakaapekto sa atin.
Ganito rin ang kadalasang ideya sa Bibliya kapag tinutukoy ang pangalan ng Diyos. Ang pangalan ng Diyos ay ang Kanyang reputasyon at awtoridad. Kapag binanggit ng mga tao ang pangalan ng Diyos, dapat ay may tamang larawan sila sa kanilang isipan kung sino ang Diyos at kung ano Siya. Mas partikular, ang Diyos ay dapat igalang.
Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod nang tanungin nila kung paano manalangin, “Kapag kayo'y nananalangin, inyong sabihin, ‘Ama, sambahin nawa ang pangalan mo.’” (Lucas 11:2, ABTAG2001).
Ang pangalan ng Diyos ay espesyal. Ang personal na pangalan Niya sa Hebreo ay Yahweh, na malamang ay nangangahulugang, “Ako ang Ako nga.” Kaya kahit ang Kanyang personal na pangalan ay nagbibigay-diin sa isa sa Kanyang natatanging katangian—ang Kanyang pagiging walang simula. Walang lumikha sa Diyos. Siya ay laging naroroon. Ngunit higit pa rito, espesyal ang Kanyang pangalan dahil sa kung sino Siya at kung ano ang Kanyang kinakatawan. Siya ang Maylalang ng langit at lupa at ng lahat ng naroroon. Ang Kanyang likas na katangian ay pagiging mapagpala at mahabagin, hindi madaling magalit, at dakila sa katapatan.
Sa modelo ng panalangin ni Jesus, ipinapahayag Niya ang ideya na ang Diyos ay dapat magkaroon ng reputasyong karapat-dapat sa Kanyang karakter. Dapat magkaroon ang Diyos ng isang reputasyong espesyal at isang pangalan na higit sa lahat ng pangalan.
Kadalasan nalalagay ang pangalan ng Diyos sa putikan
Sa kasamaang palad, hindi ito palaging nangyayari. Ang pangalan ng Diyos ay maaaring masira at lapastanganin. Maaaring gamitin ng mga tao ang pangalan ng Diyos nang walang respeto sa kanilang pananalita. Ang iba’y maaaring tahasang kutyain ang Diyos. Ngunit ang pinakamadalas na problema ay ang mga taong ganap na binabalewala ang pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa sarili nilang kagustuhan. Wala silang takot sa pangalan ng Diyos.
Gayunpaman, may mas nakababahalang paraan kung paano nalalapastangan ang pangalan ng Diyos. Nalalapastangan ito kapag ang mga tao ay nagsusuot ng Kanyang pangalan, ngunit hindi namumuhay sa paraang nagpapakita ng Kanyang karakter sa kanilang buhay. Maaari nilang sabihin na sila’y sumusunod sa Diyos, ngunit hindi nila iginagalang ang Kanyang mga katuruan. Maaaring tawagin nila ang kanilang sarili na Kristiyano, ngunit hindi sila kumikilos tulad ni Cristo.
Isa sa Sampung Utos na ibinigay ng Diyos sa bansang Israel ay, “Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos sa walang kabuluhan, sapagkat hindi pawawalang-sala ng Panginoon ang sinumang gumagamit ng kanyang pangalan sa walang kabuluhan” (Exodo 20:7).
Ang utos na ito ay maaaring tumukoy sa hindi pagsasabi ng pangalan ng Diyos nang walang kabuluhan o may pamumusong. Gayunpaman, ang pangunahing ideya ay maaaring “huwag mong dalhin” o “huwag mong pasanin” ang pangalan ni Yahweh nang walang kabuluhan. Sa madaling salita, ayaw ng Diyos na may magpakilala na konektado sa Kanya at sa Kanyang pangalan, maliban kung layunin nilang maging banal tulad Niya at ipakita Siya sa kanilang mga buhay.
Hindi dahil sinabi ng isang tao na sila’y tagasunod ng Diyos ay nangangahulugan nang kanilang pinaparangalan ang Kanyang pangalan. Ang pangalan ng Diyos ay banal at natatangi. Ang mga nagdadala ng Kanyang pangalan ay kailangang magkaroon ng parehong layunin sa kanilang buhay. Dapat nilang pagsikapan na maging banal at naiiba sa iba. Dapat nilang ipakita ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang pamumuhay. Kailangan nilang mag-ingat na huwag hilahin pababa ang pangalan ng Diyos sa putikan.
Iginagalang ng Diyos ang Kanyang Pangalan
Maaaring ito ba ang pangunahing ideya na nasa isip ni Jesus nang sinabi Niya, “Ama, sambahin nawa ang ngalan Mo?” Posible. Bagama’t maaaring may isa pang ideya na nais ipahiwatig ni Jesus.
Ang mga propetang nauna kay Jesus ay umaasa sa panahon kung kailan hindi na lalapastanganin ng bayan ng Diyos ang Kanyang pangalan. Sa loob ng daan-daang taon, kinilala ng bansang Israel ang kanilang sarili bilang mga tagasunod ng Diyos, ngunit paulit-ulit nilang tinalikuran Siya sa pamamagitan ng pagsamba sa ibang mga diyos-diyosan. Dahil dito, ipinahintulot ng Diyos na sila’y mapailalim sa pamamahala ng iba’t ibang bansa hanggang sa dumating ang panahon na bubuksan Niya ang Kanyang kaharian para sa buong mundo, sa pamamagitan ng Kanyang Pinahiran na Anak. Kapag nangyari iyon, magtatagumpay ang Diyos at ang Kanyang pangalan ay pararangalan.
Sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng propetang si Ezekiel: “Ang aking banal na pangalan ay ipapakilala ko sa gitna ng aking bayang Israel; at hindi ko papahintulutang lapastanganin pa ang aking banal na pangalan, at malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, ang Banal sa Israel” (Ezekiel 39:7).
Nang ang Diyos ay nagkatawang-tao bilang si Jesus, dumating na ang panahon upang muling gawing espesyal ang pangalan ng Diyos. Babaguhin Niya ang mundo, at si Jesus ang magpapasimula ng bagong panahon sa lupa. Maraming tao mula sa iba’t ibang bansa ang pararangal sa pangalan ng Diyos, ngunit ngayon, ito’y sa pamamagitan ng pangalan ni Jesus.
Mayroon pa ring maraming tao sa mundo ngayon na hindi gumagalang sa pangalan ng Diyos. Ibig bang sabihin nito ay nabigo ang mga pangako ng mga sinaunang propeta at ang mga panalangin ng mga tagasunod ni Jesus? Hindi, dahil darating pa rin ang araw kung kailan ang pangalan ng Diyos ay pararangalan ng bawat dila, bawat tao, at bawat bansa.
Sinulat ni apostol Pablo ang mga salitang ito sa iglesya sa Filipos: “Kaya siya naman ay itinaas ng Diyos, at siya'y binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan; upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod, sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa, at ipahayag ng bawat dila na si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama” (Filipos 2:9–11).
Buod
Nang sinabi ni Jesus, “Ama, sambahin nawa ang ngalan Mo,”Ipinapahayag Niya ang hangaring ang lahat ng tao sa bawat sulok ng mundo ay kilalanin ang pangalan ng Diyos at ang Kanyang mga gawa sa sanlibutan. Ang paggalang sa pangalan ng Diyos ay nangangahulugang ang mundo ay nagbibigay ng parangal sa Kanyang reputasyon, Kanyang karakter, at Kanyang awtoridad. Dapat itong maging isa sa mga pangunahing layunin natin bilang mga tagasunod ni Jesus. Dapat nating hangarin na parangalan ang Diyos sa ating mga buhay, at hangarin din nating gawin ito ng iba pang tao sa buong mundo kasama natin.
Mayroon ka bang mga katanungan tungkol sa araling ito o sa anumang paksa sa Bibliya? Huwag kang mahihiyang magkomento o makipag-ugnayan sa amin. Ang mga susunod naming episode ay tatalakayin ang bawat bahagi ng Panalangin ng Panginoon. Sa susunod, pag-uusapan natin kung ano ang ibig sabihin ng manalangin ng, “Dumating nawa ang Iyong kaharian.” Sana magkita-kita tayo roon!